PAMANTASAN NG KATIPUNAN

Click here to edit subtitle

Mga Balita

view:  full / summary

KARTILYANG MAKABAYAN MGA TAN?NG AT SAGOT

Posted by Pamantasan ng Katipunan on June 21, 2013 at 11:55 AM Comments comments (0)

 

KARTILYANG MAKABAYAN

 

M~GA TANÓNG AT SAGOT UKOL KAY ANDRES BONIFACIO AT SA KATAASTAASAN, KAGALANGGALANG KATIPUNAN

N~G M~GA ANAK N~G BAYAN

 

na nagturo at nagakay sa Bayang Pilipino sa Paghihimagsik laban sa kapangyarihang dayo

 

SINULAT NI

 

HERMENEGILDO CRUZ

 

(Ikalawang Tagapamatnugot n~g Kawanihan n~g Paggawa)

 

MAYNILA, S.P.

 

1922

 

 

Ang unang pagpapalimbag n~ga KARTILYANG MAKABAYANG itó, sa kapahintulutan n~g sumulat, ay ipinagawa n~g "Lupong Tagaganap" n~g ARAW NI BONIFACIO, 1922, upang ang salaping mapagbibilhan ay igugol sa bantayog (monumento) na itatayo sa pook na pinan~ganakan kay Andrés Bonifacio. Ang bilang n~g saling ipinalimbag ay 5,000 at ang salaping kailan~gang likumin ukol sa nasabing pakay ay humigit kumulang sa P1,500.00.

 

Maynila, 16 n~g Nobyembre, 1922.

 

RAMON FERNANDEZ,

Pan~gulo.

 

FAUSTINO AGUILAR,

Kalihim.

 

GUILLERMO MASANGKAY,

Taga-In~gatyaman.

 

M~GA KAGAWAD:

 

BIENVENIDO K. DOMINGO,

136 Tayuman, Tondo

 

IGNACIO SOL CRUZ,

409 Calle Telio, Tondo

 

PIO AREVALO,

1099 Antonio Rivera

 

DOMINGO PONCE,

55 El Dorado, Quiapo

 

ANDRES GOMEZ

127 Palomar, Tondo

 

FAUSTO IGNACIO

2446 Oroquieta, Sta. Cruz

 

VICENTE C. YUSON,

432 San Anton, Sampaloc

Ang kartilyang ito'y matatagpuan sa m~ga tindahan n~g aklat at sa bahay n~g m~ga kagawad n~g lupong inilathala. Kung pakiyawan ay maaaring tumun~go sa bahay ni G. Guillermo Masangkay, daang Alvarado, blg. 535, Maynila. Maybawas ang halagá kung pakiyawan. Ang m~ga taga lalawigan ay maaaring humin~gi na kasama ang halagá.

 

 

TUNTUNIN

 

 

Alay

 

Paunawa

 

I. Kung sino si Andrés Bonifacio

 

II. Ang samahang nagturo at nagakay sa bayan sa paghihimagsik

 

III. Ang palatuntunan n~g "Katipunan"

 

IV. M~ga aral n~g "Katipunan"

 

V. Ang pagpapalaganap n~g "Katipunan"

 

VI. M~ga paraang ginagawa sa pagsapi sa "Katipunan"

 

VII. Ang mahigpit na pakikibaka n~g "Katipunan" sa kanyang kabuhayan

 

VIII. Ang "Katipunan" at ang bayang maralita

 

IX. Ang "Katipunan" at ang paguusig sa m~ga "mason"

 

X. Ang Paghihimagsik

 

XI. Tagumpay at Pahimakas

 

Dekálogo ni Bonifacio

 

M~ga talang matatagpuan sa aklat na itó

 

 

 

Inaalay sa m~ga bata't kabinataang nagsisipagaral.

 

H. Cruz Nob, 1922.

 

 

PAUNAWA

 

Isang araw, bago sumapit ang ika 30 n~g Nobyembre n~g taong 1921, na ginawang araw na pan~gilin mula noon n~g ating m~ga Kinatawang tagapagbatás, lumapit sa akin ang m~ga anak kong nagsisipagaral sa m~ga paaralang-bayan at ibinalita ang ganito: "Bukas—anilá—wala kaming pasok. Pistá daw, tatay, ni Bonifacio." At saká pamanghang itinanóng sa akin: "¿Sino ba iyang si Bonifacio?"

 

Wari ako'y natubigan....

 

N~guni't hindi dapat pagtakhan ang pagkamanghang yaón n~g m~ga bata, sapagka't sa ating m~ga paaralang-bayan, ang kabuhayan ni Andrés Bonifacio at ang kasaysayan n~g "Katipunan" ay itinuturo n~g pahalaw lamang sa m~ga nagsisipagaral na n~g "septimo grado," na hindi ipinakikilala ang buong kasaysayan n~g "Katipunan" at gayon din ang kanyang makabayang palatuntunan at matataas na aral na ipinunla sa bayan, na siyang nagturo't nagakay sa m~ga pilipino sa pagguhó n~g kalupitan at pangbubusabos at nagtanim sa ating m~ga puso n~g manin~gas na damdamin n~g Kalayaan at Kasarinlan.

 

Sa maiikling pan~gun~gusap, ay aking ipinatanto sa m~ga anak ko ang buong kabuhayan ni Andrés Bonifacio at ang sanhi't katwiran kung bakit siya'y ibinubunyi n~g ating lahi't Pamahalaan. Akin ding ipinakilala sa kanila ang m~ga aral n~g "Katipunan"; at isinaysay ang kapakinaban~gang natamó n~g Bayang Pilipino sa paghihimagsik na pinamatnugutan n~g kapisanang yaong itinatag at pinan~guluhan ni Andrés Bonifacio.

 

¿Di kayâ isang pan~gan~gailan~gan na ang m~ga isinaysay kong yaon sa aking m~ga anak ukol sa dakila't maningning na kasaysayan n~g ating lahi, ay maipakilala rin naman sa madlang nagsisipagaral sa ating m~ga paaralan?

 

Itó lamang ang tan~gi kong han~gad sa pagsulat n~g munting aklat na ito.

 

HERMENEGILDO CRUZ

 

Tundo, Maynila

Nobyembre, 1922

I

 

KUNG SINO SI ANDRES BONIFACIO

 

1.—Sino si Andrés Bonifacio?—Siya'y isáng tunay na pilipino na ipinan~ganak noong ika 30 n~g Nobiyembre n~g 1863 sa isang bahay na pawid sa pook na nasa sa harap n~g himpilan n~gayón n~g pero-karil sa daang Azcárraga, Tundó, Maynila. Ang kanyang amá'y nagn~gan~galang Santiago Bonifacio na ang hanap-buhay ay sastré at ang kanyang ina nama'y Catalina de Castro. M~ga taal na taga Maynilà.

 

2.—Nagkaroon ba siya n~g m~ga Kapatid?—Apat: sina Ciriaco, Procopio, Petrona at Troadio. Ang dalawang una at itong huli'y patay na at ang babai ay buhay pa. Ang babaeng ito ay siyang naging asawa n~g nasirang bayaning si Teodoro Plata, isá sa m~ga masikhay na kasama ni Andrés Bonifacio.

 

3.—Ano ang kabuhayan ni Bonifacio?—Ang kaniyang m~ga magulang ay m~ga taong dukha kaya't siya nama'y isang taong mahirap.

 

4.—Ano ang kanyang Napagaralan?—Siya'y nagaral sa paaralan n~g gurong si G. Guillermo Osmeña, sa pook n~g Meisik, Binundok, Maynila. Datapwa nang siya'y tumutuntong na sa ika 14 na taon, ay namatay ang kanyang m~ga magulang at dahil dito'y naputol ang kanyang pagaaral. Siya noo'y maalam nang bumasa at sumulat n~g wikang sarili (tagalog) at kastila.

 

5.—Ano ang kanyang ginawa n~g siya'y maulila na?—Upang siya'y mabuhay at sampu n~g kanyang m~ga kapatid, binatak ang sariling buto't siya'y nagbili n~g m~ga tungkod (baston) at m~ga pamaypay na papel na ginagawa niya sa loob n~g kanilang bahay. Gayon din ang ginawang hanap-buhay n~g kanyang m~ga kapatid.

 

6.—Ano pa ang kaniyang ginampanang gawain upang mabuhay?—Nang si Bonifacio'y nakapagsanay na sa pagsulat, siya'y nasok na utusan sa bahay kalakal ni Fleming, at pagkaraan n~g ilang panahon ay ginawa siyang kinatawan n~g nabanggit na bahay-kalakal sa pag-bibili n~g sahing, yantok, at iba pa.

 

7.—Nanatili ba siya sa tungkuling ito?—Hindi. Nang lumipas ang ilang panahon siya'y naging kawani (personero) sa bahay-kalakal nina Fressell & Co., na nalalagay sa daang Nueva, blg. 450. Maynilà. Ang sinasahod niya'y m~ga labingdalawang piso lamang sa isang buan. Patuloy pa rin siya sa paggawa n~g m~ga tungkod at pamaypay, na itinitinda n~g kanyang m~ga kapatid.

 

8.—Anong katan~gian, bukod sa kanyang hanap-buhay, ang tinataglay ni Bonifacio?—Siya'y mahiliging magsulat sa sariling wika at may magandang ayos ang kanyang sulat. Dahil dito, nakatutulong sa kabuhayan nilang magkakapatid ang paggawa n~g m~ga tatak at paunawa sa m~ga kayong ipinagbibili rito sa atin.

 

9.—Siya ba'y mahiligin sa pagbabasa n~g m~ga aklat?—Oo. N~guni't ang kaniyang kinahihimalin~gang basahin ay yaong m~ga aklat na nakapagtuturo n~g kabayanihan, tulad n~g Kasaysayan n~g himagsikan sa Pransiya, "Las Ruinas de Palmira," "Los Miserables," ni Victor Hugo, "El Judio Errante," Biblia, ang m~ga, aklat ni Rizal at ibá pa. Siya'y mahiliging totoo sa pagbabasa. May m~ga gabing halos di nakakatulog sa pagbabasá.

 

10.—Siya ba'y nagkaasawa?—Oo. Ang naging kabyak n~g kanyang pusó'y pinapalayawan n~g Oriang (Gregoria de Jesus) na ang sagisag "Lakambini," tagá Kalookan. Sila'y nagkaroon n~g isáng anák na namatay.

 

11.—Ano't idinadakila n~g Bayang Pilipino si Andrés Bonifacio at siya'y ipinalalagay na dakilang Bayani sa piling ni Rizal? —Sapagka't siya ang nagtayo at nahalal na pan~gulo n~g "Kataastaasan, Kagalanggalang Katipunan n~g m~ga Anak n~g Bayan," na pinagkautan~gan n~g Bayang Pilipino n~g kabayanihan sa pagusig n~g kaniyang ikalalaya. "May-pagasa" ang sagisag niyá na "nangyari" bago siyá mamatay.

 

II

 

ANG SAMAHANG NAGTURO AT NAGAKAY SA BAYAN SA PAGHIHIMAGSIK

 

12.—Kailan at saan itinayo ang "Samahang Kataastaasan, Kagalanggalang Katipunan n~g m~ga Anak n~g Bayan"?—Noong ika 7 n~g Hulyo n~g 1892, sa bahay na kinatirhan ni Deodato Arellano, na nasa daang Azcarraga, bilang 64, Binundok, Maynila.

 

13.—Ano't itinayo ang Samahang binanggit?—Ganitó ang nangyari: si Rizal ay lumunsad sa Maynila n~g ika 26 n~g Hunio n~g Taong 1892. Pagkaraan n~g mahigit sa isang linggó, noong ika 6 n~g sumunod na buwan n~g Hulyo, si Rizal ay ipinatawag ni General Despujol na siyang pinaka-mataas na pinuno n~g Kastila dito sa atin noon at siya'y ipinapiit sa Fuerza de Santiago. Ang m~ga tunay na pan~gun~gusap ni Rizal sa nangyari, sa kanyang itó ay gayari, ayon sa sulat din niyá, na inihayag n~g kanyang matalik na kaibigan, ang nasirang si Mariano Ponce: "Noong miyerkoles—ani Rizal sa kanyang talaan—itinanong sa akin (ni General Despujol) kung ako'y nagpupumilit na magbalik sa Hongkong. Sinagot ko siya n~g oo. Makaraan ang ilang salitaan sinabi sa akin na ako raw ay maydalang m~ga proklama (m~ga pahayag) na kasama n~g aking m~ga damit at ariarian. Sinagot ko siyá n~g hindi. Itinanong sa akin kung kanino yaong m~ga unan at banig, isinagot kong sa aking kapatid. Dahil dito, ipinatanto sa aking ako'y kanyang ipabibilanggo sa Fuerza de Santiago." Si Rizal n~ga'y ibinilanggo. Nang maalaman ito ni Andrés Bonifacio ay nagalab ang kanyang loob. Pinulong sina Ladislao Diwa, Valentin Diaz, Ildefonso Laurel at si Deodato Arellano sa bahay na binanggit na may bilang 64, daang Azcarraga, at itinatag nila ang "Katipunan," na siyang pamagat sa daglian n~g binanggit na samahan.

 

14.—Ano ang pakay n~g "Katipunan"?—Pagsamasamahin ang kalooban n~g m~ga pilipino sa isang layunin, "upang sa pagkakaisang ito'y magkalakás na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag sa kaisipan at matuklasan ang tunay na landás n~g katwiran at kaliwanagan."

 

15.—Ano ang ibig sabihin niyang "matuklasan ang tunay na landas n~g katwiran at kaliwanagan"?—Ang ibig sabihi'y iguho ang kapangyarihang makahari n~g España na nakasasakop sa Pilipinas at ang bayan natin ay magsarili sa kanyang kapangyarihan.

 

III

 

ANG PALATUNTUNAN N~G "KATIPUNAN"

 

16.—May sarili bang palatuntunan ang "Katipunan"?—Oo. Náitó:

 

Dakila ang pakay n~g "Katipunan"

 

"Sa pagkakailan~gan na ang lahat na nag-iibig pumasok sa katipunang itó, ay magkaroon n~g lubós na pananalig at kaisipán sa m~ga layong tinutun~go at m~ga kaaralang pinaiiral, ay minarapat na ipakilala sa kanilá ang m~ga bagay na itó, at n~g bukas makalawa'y huwag silang magsisi at tuparing maluwag sa kalooban ang kanilang m~ga tutungkulin."

 

"Ang kabagayang pinaguusig n~g Katipunang itó ay lubós na dakila at mahalagá; papag-isahín ang loob at kaisipán n~g lahat n~g tagalog. (Sa salitang "tagalog", katutura'y ang lahat nang tumubo sa Sangkapuluang itó; sa makatwid, "bisaya" man, "iloko" man, "kapangpan~gan" man atb., ay "tagalog" din.")

 

"Alang-alang sa m~ga pagkukurong itó, kami'y payapang naghihintay n~ga pagwawagi n~g damdaming makabayan n~gayon at sa hinaharáp, sa pamagitan n~g isang mahigpit na panunumpa, upang sa pagkakaisáng ito'y magkalakás na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag sa kaisipan at matuklasan ang tunay na landás n~g Katwiran at Kaliwanagan."

 

Una sa lahat ang pagibig sa bayan

 

"Dito'y isá sa m~ga kauna-unahang utos, ang tunay na pag-ibig sa bayang tinubuan at lubós na pagdadamayan n~g isa't isá."

 

Pantaypantay ang lahat

 

"Maralita, mayaman, mangmang, marunong, lahat dito'y magkakapantáy at tunay na magkakapatid."

 

Ang buhalhal na kaugalian

 

"Kapagkarakang mapasok dito ang sino man, tatalikdang pilit, ang buhalhál na kaugalian at paiilalim sa kapangyarihan n~g m~ga banál na utos n~g Katipunan."

 

"Ang gawang lahat na laban sa kamahalan at kalinisan, dito'y kinasusuklaman; kaya't sa bagay na ito'y ipinaiilalim sa masigasig na pakikibalita ang kabuhayan n~g sino mang nag-iibig makianib sa Katipunang itó."

 

Hindi tinatanggap ang m~ga taksil

 

"Kung ang han~gad n~g papasok dito'y ang tumalastás lamang n~g m~ga kalihiman nitó, o ang kilalanin ang m~ga naririto't n~g maipagbili sa isang dakot na salapi, huwag magpatuloy, sapagka't dito'y bantaín lamang ay talastás na n~g makapál na nakikiramdám sa kaniyá, at karakarakang nilalapatan n~g mabisang gamot, na laán sa m~ga sukaban."

 

Ayaw sa m~ga mabun~gan~ga

 

"Dito'y gawa ang hinahanap at gawa ang tinitingnán; kaya't hindi dapat pumasok ang di makagagawa, kahi't magaling magsalita."

 

Hindi kaginhawahan kungdi kahirapan at mabibigat na tungkulin

 

"Ipinauunawa rin, na ang m~ga katungkulang ginaganap n~g lahat n~g napapasok sa Katipunang itó, ay lubhang mabibigát, lalong-lalo na kung gugunitaín na di mangyayaring maiwasan at walang kusang pagkukulang na di aabutin n~g kakilakilabot na kaparusahán."

 

"Kung ang han~gad n~g papasok dito, ang siya'y abuluyan n~g ginhawa't malayaw na katahimikan n~g katawan, huwag magpatuloy, sapagka't mabigát na m~ga katungkulan ang matatagpuan, gaya n~g pagtatangkilik sa m~ga naaapi at madaluhong n~g paguusig sa lahat n~g kasamaan; sa bagay na itó ay aabutin ang maligalig na pamumuhay."

 

"Di kaila sa kan~gino pa mán ang m~ga nagbalang kapahamakán sa m~ga tagalog na nakaiisip nitong m~ga banál na kabagayan (at hindi man), at m~ga pahirap na ibinibigay n~g naghaharing kalupitán, kalikuan at kasamaán."

 

Ang halaga n~g "kuota"

 

"Talastás din naman n~g lahat ang pagkakailan~gan n~g salapi, na sa n~gayo'y isá sa m~ga unang lakás na maaasahan; magbibigáy buhay sa lahát; sa bagay na itó, kinakailan~gan ang lubos na pagtupád sa m~ga pagbabayaran; piso sa pagpasok at sa buwan-buwan ay sikapat. Ang salaping itó'y ipinagbibigay alam n~g nag-iin~gat sa tuwing kapanahunan, bukód pa sa mapagsisiyasat n~g sino man, kailan ma't ibigin. Di makikilos ang salaping ito, kung di pagkayarian n~g karamihan."

 

Ipagtangkilik ang kagalin~gan

 

"Ang lahát n~g pinagsaysay ay dapat gunitain at mahinahong pagbulaybulayin, sapagka't di magaganáp at di matitiis n~g walang tunay na pag-ibig sa tinubuang lupa ang tunay na adhikaing ipagtangkilik ang Kagalin~gan."

 

"At n~g lalong mapagtimbáng n~g sariling isip at kabaitan."

 

IV

 

M~GA ARAL N~G "KATIPUNAN"

 

17.—Bukod sa Palatuntunan, may m~ga sariling aral baga ang "Katipunan" sa Bayan?—Oo. Tunghan ang m~ga sumusunod:

 

Ang dapat nating asalin sa kabuhayan

 

"Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isáng malaki at banál na kadahilanan, ay kahoy na walang lilim, kung di damong makamandag."

 

Kailan nagiging kabaitan ang gawang magaling

 

"Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili, at hindi sa talagang nasang gumawa n~g kagalin~gan, ay di kabaitan."

 

Ang tunay na kabanalan

 

"Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawa't kilos, gawa't pan~gun~gusap sa talagang Katuwiran."

 

Ang m~ga tao'y magkapantaypantay

 

"Maitim man at maputi ang kulay n~g balát, lahat n~g tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y higtán sa dunong, sa yaman, sa ganda ... n~guni't di mahihigtán sa pagkatao."

 

Ang may kaloobang dakila

 

"Ang may mataas na kalooban ay inuuna ang puri sa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban ay inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri."

 

Dapat magkaroon n~g isang pan~gun~gusap

 

"Sa taong may hiya, salita'y panunumpa."

 

Ang panahon ay ginto

 

"Huwag mong sasayan~gin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; n~guni't panahong nagdaan na'y di na muli pang magdaraan."

 

Dapat sumapiling n~g inaapi

 

"Ipagtangól mo ang inaapi, at kabakahin ang umaapi."

 

Ang matalino'y mahinahon

 

"Ang taong matalino'y ang may pagiin~gat sa bawa't sasabihin, at marunong ipaglihim ang dapat ipaglihim."

 

Ang amá ay siyang pinaparisan n~g m~ga anak

 

"Sa daang matinik n~g kabuhayan, lalaki ay siyang patnugot n~g asawa't m~ga anák; kung ang umaakay ay tun~go sa samâ, ang patutun~guhan n~g inaakay ay kasamâan din."

 

Ang katungkulan n~g lalaki para sa babai

 

"Ang babai ay huwag mong tignáng isáng bagay na liban~gan lamang, kungdi isáng katuwang at karamay sa m~ga kahirapan nitong kabuhayan; gamitan mo n~g buong pagpipitagan ang kaniyáng kahinaan, at alalahanin ang ináng pinagbuhata't nagiwi sa iyóng kasanggulan."

 

Ang ayaw mong gawin sa iyo....

 

"Ang di mo ibig na gawin sa asawa mo, anák at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anák at kapatid n~g iba."

 

Ang tunay na kamahalan n~g tao

 

"Ang kamahalan n~g tao'y wala sa pagkahari, wala sa tan~gos n~g ilong at puti n~g mukha, wala sa pagkaparing "kahalili nang Diyos," wala sa mataas na kalagayan sa balat n~g lupa; wagás at tunay na mahál na tao, kahi't laking gubat at waláng nabatid kungdi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isáng pan~gun~gusap, may dan~gal at puri; yaong di napaáapi't di nakikiapíd, yaong marunong magdamdám at marunong lumin~gap sa bayang tinubuan."

 

Ang katumbasan n~g buhay na ginugol

 

"Paglaganap n~g m~ga aral na itó at maningning na sumikat ang araw n~g mahal na Kalayaan dito sa kaabâabâng Sangkapuluan, at sabugan n~g matamis niyang liwanag ang nan~gagkaisáng magkalahi't magkakapatid n~g ligayang walang katapusán, ang m~ga ginugol na buhay, pagod at m~ga tiniis na kahirapa'y labis n~g natumbasán."

 

 

KASULATAN SA PAGSAPI

 

"Kung lahát n~g itó'y matarok na n~g nagiibig pumasok at inaakala niyáng matutupád ang m~ga tútungkulin, maitatala ang kaniyang ninanasâ sa kasunód nito:

 

"Sa Bg....

 

Ako'y si ... taong tubò sa bayan n~g.... hukuman n~g ... ang katandaan ko ay.... taon, ang hanap buhay ... ang kalagayan ... at nananahanan sa ... daan n~g ...

 

Sa aking pagkakabatid n~g kagalin~gan n~g m~ga nilalayon at m~ga aral, na inilalathala n~g KATIPUNAN n~g m~ga A.N.B., ninanais n~g loob ko ang makianib dito. Sa bagay na ito'y aking ipinamamanhik n~g boong pitagan, na marapating tanggapin at mapakibilang na isa sa m~ga anak n~g Katipunan: at tuloy nan~gan~gakong tutupad at paiilalim sa m~ga aral at m~ga Kautusang sinusunod dito.

 

... ika ... n~g buwan n~g ... n~g taong 189....

 

Nakabayad na n~g ukol sa pagpasok.

 

Ang Tagain~gat n~g Yaman."

 

 

KASULATAN SA PANUNUMPA

 

K.'. K.'. K.'. N.'. M.'. A.'. N.'. B.'.

 

By....

 

Aking ipinahahayag na sa kadahilanan n~g pagkapasok ko sa K.'. K.'. K.'. n~g m~ga A.'. N.'. B.'. ay naghandog akó n~g isáng mahalagang panunumpa sa n~galan n~g Bayang tinubuan, at sa harap n~g isang kagalanggalang na kapulun~gan nitong Katipunan, na gugugulin ang lahat na maigugugol at lahat n~g minamahal ko sa buhay, sa pagtatanggol n~g kaniyang banal na kasarinlan, hanggang sa abuting magdiwang, sukdang ikalagot n~g hinin~ga. Sa bagay na itó, isinusumpa ko ring lubos na tutupad at susunod sa kaniyang Patnugutan at m~ga Kautusan.

 

Sa katunayan nitó, aking itinala ang aking pan~galan n~g tunay na dugong tumatakás sa aking m~ga ugat sa pahayag na itó.

 

... ika ... araw n~g buwan n~g ... n~g taong 189....

 

"Tinaglay ko ang pamagat na."

 

V

 

ANG PAGPAPALAGANAP N~G "KATIPUNAN"

 

18.—Sinosino ang nagpalaganap n~g "Katipunan"?—Si Andrés Bonifacio at ang kanyang m~ga tapat at masisikhay na kasama na paraparang dukha na katulad niya. Ang pinakabatikan sa lahat ay si Emilio Jacinto, na kalihim n~g Katipunan."

 

19.—Matuturin~gan ba natin kung sinosino sila?—Oo. Ang unang tinanggap sa "Katipunan" ay si Restituto Javier, sa isang bahay sa daang Salinas (n~gayo'y Elcano) sa Tundo, na tahanan n~g isá sa m~ga nagtatag na si Valentin Diaz. Sumunod si Miguel Araulio, pamangkin n~g n~gayo'y Pangulo n~g Kataastaasang Hukuman. Pagkatapos ay siná Aguedo del Rosario, Aurelio Tolentino, Guillermo Masangkay, Alejandro Santiago, Briccio Brigido Pantas, José Turiano Santiago, Calixto Santiago, Emilio Jacinto, Nicomedes Carreon, Francisco Carreon, Mariano Carreon at iba pa.

 

20.—Mula ba n~g itatag ang "Katipunan" ay nagpatuloy sa pagpapalaganap ang m~ga nan~gan~gatawan?—Hindi. Nang m~ga sumunod na buwan n~g pagkakatatag ay di nagpamalas n~g kanyang pagsulong, pagka't ang nais ni Bonifacio ay huwág makapinsala sa pagpapalaganap n~g "Liga Filipina," na itinatag in Rizal at m~ga litaw na kababayan, karamihan ay mason, bago sumilang ang "Katipunan." Bago pa itatag ito ay may itinatag pang ibang kapisanan sina Bonifacio.

 

21.—Kailan pinan~gatawanan ang pagtatatag?—Nang mapagkilala ni Andrés Bonifacio na nawawalan n~g kabuluhan ang pagsisikap bagay sa "Liga." Kaya, naghalal na ang Katipunan n~g kanyang m~ga kinatawan sa isáng bahay sa daang Oroquieta, nayon n~g Santa Cruz, Maynila. At n~g sumunod na taong 1894, ay napatatag na n~ga ang m~ga Balan~gay at Sangguniang Bayan.

 

22.—At ano pa ang kanilang ginawa?—Itinatag na rin ang Tatlong Baytang n~g "Katipunan". Naitó: "Katipunan" ang pamagat n~g unang baytang. Kung nasa pulong ang m~ga kasama sa baytang na itó, ay gumagamit n~g isáng kaputsang itim na may isáng triángulo na kinalalagyan n~g m~ga titik na "Z," "Ll" at "B," na ang kahulugan ay "Anak n~g Bayan." Sila'y may m~ga hudyat na salita na pinagkakakilanlanan. Kapag binigkás ang salitang "Anak" ang isinasagot n~g tinatanong ay "n~g Bayan." "Revolver," sandata o gulok ang tinataglay n~g m~ga nagsisidaló sa pulong n~g baytang na itó.

 

"Kawal" naman ang pamagat n~g Ikalawang Baytang. Lungtian ang kulay n~g kaputsa na ang kahulugan ay pag-asa. Puti ang sintás at m~ga titik n~g triángulo. May suot na sintás na lungtian na sa dulo ay may isang "medalla" na may isang "K" sa gitna at may sinag at sa dakong mababa ay nakakabit ang magkasabát na isang watawat at espada. Ang m~ga hudyát o mahal na salita'y "Gom-Bur-Za," na ang katutura'y Gomez, Burgos at Zamora, tatlong paring pilipino na ipinabitay n~g pamahalaang Kastila n~g ika 28 n~g Pebrero, 1872, kahima't di tunay ang ibinubuhat na kasalanan sa kanila.

 

Pinamagatang "Bayani" ang Ikatlong Baytang. Kaputsang pulá na may listong lungtian ang isinusuot n~g m~ga kasapi. "Rizal" ang hudyat na salita, bilang pagtulol sa walang katwirang pakakapabilanggó sa kanya. Itinatag n~g araw ding iyon (ika 7 n~g Hulyo, 1892) ang "Katipunan." Ang m~ga kasapi sa ikatlong baytang na ito, ay siya lamang nakatatalos n~g m~ga tunay na adhikain n~g "Katipunan."

 

23.—Sa papaanong paraan nagkakakilanlanan ang m~ga magkakasama sa "Katipunan"?—May isáng paraan. Upang magkakilanlan ang m~ga magkakasapi ay itinatagop ang kanang kamay sa dibdib sa tapat n~g puso at kung gapós—noong panahon n~g kastila'y ginagapos n~g abot-siko ang sino mang hulihin kahí't sa anong kasalanan—ay itinitiklop ang m~ga daliri, maliban lamang ang hintuturo at ang kalingkin~gan na paraparang inauusli.

 

24.—Sinosino naman ang nagsisibuo n~g "Katipunan"?—Sa bawa't bayan ay may m~ga "Balan~gay," at "Sangguniang Hukuman," na siyáng kapangyarihang nagaayos at humahatol sa m~ga sigalot at alitan n~g magkakapatid sa loob n~g "Katipunan." Ang m~ga balan~gay ay nasasakupan n~g Kataastaasang Pan~guluhan na pangsangkapuluan.

 

25.—Sa papaanong paraan ginagawa ang pagkuha n~g kasapi?—Sa bawa't pook ay nagtatayo n~g isáng wari'y lupon na kung tawagin ay "Hasik" na binubuo n~g tatlo katao na parang tatlong tungko. Ang "Hasik" na ito ang siyáng sa inot-inot ay nanghihikayat upang may sumapi sa "Katipunan." Pagdamidami na n~g m~ga kasangayon ay saka pa lamang itinatayo ang "Balan~gay" na pinamumunuan n~g isáng lupon na ang m~ga tunkulin ay tulad din n~g sa Kataastaasang Lupon. Ang m~ga "Hasik" na yaon, ay di na ipinagpatuloy n~g malapit na ang tangkang panahon sa paghihimagsik, pagka't ang m~ga taong baya'y halos naguunahan nang sila'y mapabilang sa "Katipunan."

 

VI

 

M~GA PARAANG GINAGAWA SA PAGSAPI SA "KATIPUNAN"

 

26.—Papaano ang pagsapi?—Sa pagtanggap n~g pakikisapi ay tinularan, bagama't di lubós, ang ginagawa n~g "Masonería." Bawa't kasapi ay may mahigpit na tungkuling manghikayat n~g bagong makakasama at sa pananagutan niya ay inihaharap sa "Balan~gay" ang kanyang nahikayat. Datapwa, bago gawin ito ay sinusuri munang mabuti ang ugali, pagkukuro, kalagayan at kabuhayan n~g isasapi at baka di kabagáng n~g m~ga taong "Katipunan." Kung mapatunayan na siya'y may tapat na loob ay saka pa lamang gagawin ang pagtanggap.

 

27.—Papaano ang ginagawa sa pagtanggap?—Ang bagong kasapi'y pinipirin~gan at ipinapasok sa isáng silid na itiman ang kulay n~g m~ga panig at bahagya nang naiilawan, pagkatapus ay inaalisan n~g piring. Sa m~ga panig n~g silid ay may m~ga nasusulat na ganitó:

 

"Kung may lakás at tapang, ìkaw'y makatutuloy"

 

"Kung ang paguusisa ang nagdalá sa iyó dito'y umurong ka."

 

"Kung di ka marunong pumigil n~g iyong masasamang hilig, umurong ka; kailan man ang pintuan n~g May-kapangyarihan at Kagalanggalang Katipunan n~g m~ga Anak n~g Baya'y bubuksan dahil sa iyó."

 

Sa ibabaw n~g isáng dulang ay may isáng bun~go, isáng "revolver" at isáng gulok. May isáng papel na kinasusulatan n~g m~ga sumusunod na tanong:

 

I—"Anó ang kalagayan nitóng Katagalugan n~g unang panahon?" (Sa salitang Katagalugan ay kasama na ang Kabisayaan, Kailokohan at lahat na n~g Kapilipinuhan.)

 

II—"Anó ang kalagayan sa n~gayon?"

 

III—"Anó ang magiging kalagayan sa darating na panahon?"

 

28.—At ano-ano ang isinasagot sa m~ga tanong na iyan n~g ibig sumapi?—Ang kasagutan, humigit kumulang n~g sino mang ibig sumapi, ay ganito:

 

Ukol sa unang tanong: Na, nang dumating dito sa atin ang m~ga Kastila n~g ika-16 n~g Marzo n~g taong 1521, ang m~ga pilipinong naninirahan sa m~ga baybayin ay may pagkaalam na sa maayos na kabuhayan at pamamayan. Noon n~ga, tayong m~ga pilipino ay may kalayaan na sa pamamayan; may m~ga kanyon; maalam na tayong magsuot n~g m~ga damit na sutla; nakikipagunawaan na tayo sa pan~gan~galakal sa m~ga karatig na bayan sa Asia. Tayo'y may sariling pananampataya o relihiyon, may sariling titik o sulat, na anopa't, lumalasap tayo n~g kalayaan at kasarinlan.

 

Ukol sa ikalawang tanong: Na ang m~ga fraile na kung tawagin ay m~ga "kahalili" raw, sila n~g "Diyos", ay pawang kabalbalan ang itinuro sa m~ga pilipino. Hindi tayo tinuruan n~g tunay na Karunun~gan sa buhay at sapagka't kung tayo'y man~gatuto ay hindi nila mauulol at sa ganya'y di nilá mahuhuthot ang ating kayamanan. Ang itinuro sa atin n~g m~ga "fraile" ay ang maling pananampalataya na nakikilala sa pagdaraos n~g sunod-sunod na m~ga pistá na kinahuhulugan n~g ating salapi at kayamanan sa kapakinaban~gan n~g m~ga "fraile" at Kombento. Ang m~ga "fraile" ay siyang mahigpit na kalaban n~g ikatatalino at ikabibihasa n~g pilipino (tagalog kung isulat n~g m~ga Katipunan) na sa katunaya'y ayaw sila na tayo'y man~gatuto n~g wikang kastila. Anopa't lahat na n~g karain~gan sa panglulupig, panggagahasa, m~ga kasagwaan, pagtin~gin sa pilipino na parang iba sa pagkatao kaysa m~ga Kastila na ginagawa n~g m~ga "fraile" ay siyang isinasaysay sa ikalawang tanong na ito. Sa kahulihuliha'y idinadaing din naman ang malabis na pagkiling n~g pamahalaang kastila sa m~ga "frayle," pagsunod sa kanilang m~ga bilin laban sa bayan, paniniwala sa m~ga sumbong n~g m~ga yaon, kahima't lisya sa matwid, at pagtanggi na ang m~ga pilipino ay bigyan n~g kalayaan sa pamamayan, at sa paggawa n~g ikalulusog sa dunong, sa buhay at sa pan~gan~galakal.

 

Ukol sa ikatlong tanong: Na ang madlang kasamaang binanggit sa m~ga naunang tanong ay malulunasan; ang m~ga lupang malalawak na inangkin n~g m~ga kombento sa ating m~ga ninuno ay mapapasaulî sa bayan; ang m~ga mamamaslang ay maibubulid sa ban~gin n~g kamatayan; ang m~ga paring kababayang sina Gomez, Burgos at Zamora ay maipaghihiganti at ang kalayaan at kasarinlan n~g Bayang Pilipino ay matatamo sa hinaharap kung ang m~ga kasapi ay maypagasa, tiyaga, tapang at pagkakaisa sa pagsunod sa m~ga aral at pasyá n~g "Katipunan."

 

29.—Kung makasagot na ba n~g ganyan ay tinatanggap na?—Hindi pa rin. Ang kapatid na "Mabalasik" ay siyáng nagsasabi sa sinusubukan na lubhang dakila ang hakbang na yaon sa kanyang buhay. Ipinaaalaala na siya'y maaaring umurong kung walang taglay na tapang, upang huwag masayang ang kanyang buhay. Kung ang sumasapi ay magpumilit din sa paganib sa "Katipunan," ay saka siyá ihaharap, na may piring din, sa m~ga kapatid na nan~gagkakatipon nang siya'y tanggapin. Ang tapang at kabuoan n~g kanyang loob ay sinusubok sa ilang paraan. Minsa'y bigyan n~g gulok at iutos na tagain ang kalaban na pumapaslang sa m~ga kalahi; naiyan ang sabihin na saklolohan ang kapatid na makukulong n~g apoy, na, sa pagsasalita n~g gayon, ay talagang nagsusunog n~g m~ga papel upang maramdaman ang init n~g nin~gas n~g sinusubukan. Kung hindi magpakitang takot, aalisan na n~g piring at palalagdain sa kasulatan n~g panunumpang inilathala sa unahan, na ang pinakatinta ay dugong kinukuha n~g isáng palalim sa kanyang kaliwang bisig.

 

30.—Anong wika ang ginagamit n~g m~ga kasapi sa "Katipunan"?—Ang tagalog; n~guni't ang kahulugan n~g ilang titik n~g abakadang kastila ay iniba sa kanilang pagsulat n~g m~ga kasulatan at gayon din sa paglagdá n~g kanilang m~ga sagisag. Ang titik na "a" ay ginawang "z", ang "c" at "q" ay ginawang "k", ang "i" ay "n", ang "l" at "ll" ay "j" ang "m" ay "v", ang "n" ay "ll", ang "o" ay "c" at ang "u" ay "x". Ang f, j, v, x at z n~g abakadang kastila ay itinakwil pagka't hindi kailan~gan. Sa maliwanag na ulat ay ganitó ang Abakadá (alfabeto) n~g "Katipunan" kung itutulad sa abakada n~g wikang Kastila.

 

Abakada Abakada

n~g kastila n~g "Katipunan"

 

A .................. Z

B .................. B

C .................. K

D .................. D

E .................. Q

G .................. G

H .................. H

I .................. N

K .................. K

LL.................. J

M .................. V

N .................. LL

O .................. C

P .................. P

Q .................. K

R .................. R

S .................. S

T .................. T

U .................. X

W .................. W

Y .................. Y

VII

 

ANG MAHIGPIT NA PAKIKIBAKA N~G "KATIPUNAN" SA KANYANG KABUHAYAN

 

 

31.—Tinanggap ba n~g lahat na Pilipino ang m~ga Palatuntunan, Aral at Gawain n~g "Katipunan"?—Hindi. Gaya n~g sinabi na, ang "Katipunan" ay itinatag noong ika 7 n~g Hulyo n~g 1892. Sa buong taong sumunod, 1893 ay hindi pa lumalaganap, sanhi sa maraming kadahilanan.

 

32.—Maari bang isaysay?—Oo. Ang kaunaunahan ay ang kabaguhan n~g layunin at paraan n~g samahan, gaya n~g nakita na natin, ay may kahirapang ilaganap sa bala na kundi pipiliin muna bago hikayatin. Tan~gi sa rito, si Bonifacio na rin ang kusang nagpauntol-untol sa pamanhik n~g m~ga kababayang nagsisibuo noón n~g "Liga Filipina," na lahat halos ay m~ga pilipinong litaw, nakakakaya't may pinagaralan, na nagsisiasang sa pamamagitan n~g "Ligang" yaon, ay makukuha n~g bayang pilipino "sa loob n~g kapayapaan" ang pagsugpo sa masasama't hidwang pamamalakad dito sa atin n~g pamahalaang kastila at n~g m~ga "fraile." Ganitó ang pan~gunang layon n~g "Liga Filipina" na itinatag nina Rizal at m~ga kapatid niyang "masón" at ibá pa. Si Bonifacio man ay nagíng kasapi rin doon.

 

33.—Di ba't ang "Katipunan" ay humuwad sa "Masoneria" n~g pamamaraang ginagamit nito sa pagtanggap n~g kasapi at gayondin sa ilang kuro n~g kaniyang adhikain?—Oo na n~ga. Subali't ang kapatiran n~g m~ga "masón," ay kasalun~gat ni Bonifacio ukol sa paraan na kinakailan~gang gamitin upang maghari dito sa Pilipinas ang Katwiran at Kalayaan at masugpo ang kalupitan at kasamaang inaasal n~g m~ga "fraile" at n~g Pamahalaang Kastila sa pilipino. Ang "Masoneria" at ang "Katipunan" ay nagkakaisá sa kanilang han~gad na pagtubós sa Bayang Pilipino. Datapwa, ang una'y ibig makuha ang katubusang yaón sa loob n~g kapayapaan sa pamamamagitan n~g pagpapalaganap n~g kaniyang magagandá't makataong simulain; samantalang ang nais at han~gad n~g huli'y ang paghihimagsik, yayamang napagkita na rin lamang na ang m~ga naghahari noon dito sa atin—ang pamahalaang Kastila't m~ga "fraile"—ay hindi makuha sa samo, pakiusap at pan~gan~gatwiran, bagkús ang itinutugón sa ginawi n~g m~ga "masong" siná Rizal, Del Pilar, Lopez Jaena, Regidor, Cortez at ibá't ibá pa ay ang sila'y ipalagay na "kaaway n~g España at n~g Dios," at marami sa kanilá at sa kanilang m~ga kabig ang napabilanggo, napatapon sa malalayong bayan at pinapagdusa sa m~ga bilangguan, kahima't walang nagawang kasalanan.

 

34.—Sa makatwid ang m~ga "mason" at ang m~ga mayamang pilipino'y hindi kaayon n~g "Katipunan"?—Hindi, kundi bagkús pang kasalun~gat. Nang lumalaganap na ang "Katipunan" ang m~ga "mason" at ang kanilang m~ga "logia," ay paraparang nagsikilos upang sugpuin ang paglago n~g "Katipunan" at ang mabalasik na pagpapalaganap ni Andrés Bonifacio, di sa dahilang sila'y kampi sa pamahalaang kastila at sa m~ga "fraile," kundi sapagka't kailan man ang m~ga "masón," ay "ayaw ipaghiganti sa pagbubuhos n~g dugo ang m~ga kaapihang tinatamó." Ang "Katipunan" nama'y ang ibig ay "n~gipin sa n~gipin," at ayaw gantihin n~g tinapay ang bató, kundi bató rin. Kaya nama't isá sa m~ga aral n~g "Katipunan" ay, nahahawig doon sa "ang di mo ibig na gawin sa iyo, ay huwág mong gawin sa iyong kapwa."

 

35.—Maaari bang isaysay ang ilang pangyayari ukol diyan?—Oo. N~guni't bago banggitin ang ilang pangyayari ay kailan~gan munang sabihin na, sa loob n~g "Masonería," ayon sa kaniyang palatuntunan, ay di tinatanggap ang m~ga manggagawang hamak, na ang kabuhaya'y "isang kahig, isáng tuka"; pagka't upang maging "mason," isa sa m~ga pan~gunahing kailan~gan ay ang ikaw'y may sapat na kinikita upang buhayin ang iyong asawa't m~ga anak at may kaunting halagang nalalabis, na isasagot sa m~ga pan~gan~gailan~gan n~g kapatiran at maiambag sa sinomang kapatid na nasa sa isang kagipitan. Dahil dito ay sukat n~g mataho na ang m~ga "masón" ay m~ga taong nakakakaya at ang m~ga katipunan ay yaong m~ga taong hindi matatanggap sa "Masonería," na m~ga anak pawis, m~ga dukha't maralita. Sapagka't noo'y mayayaman at mahihirap na pilipino'y paraparang inaapi at pinahihirapan n~g pamahalaang kastila't n~g m~ga "fraile" kung kaya't lahat ay nagtataglay n~g isang layunin: maputol lahat ang kaapihan. Nagkakaibá n~ga lamang sila sa kaparaanang ginagamit sa ikapagtatagumpay n~g kanilang layon.

 

36.—Ano ang ginawa n~g m~ga "mason" kay Bonifacio at sa "Katipunan"?—Dapat munang sabihin na si Bonifacio ay "masón" din. Siya'y "segundo vigilante" sa "Logia Taliba," na ang "Venerable," ay ang binaril n~g m~ga kastilang si Luis Encino Villareal at ilan sa kasamahan ni Bonifacio sa "Katipunan" ay m~ga kamukha rin niyang "masón." Isáng araw ay ipinatawag si Bonifacio n~g m~ga namumuno sa kanyang "logia" at, siya'y hinihikayat na itigil ang "Katipunan," pagka't ang katwiran n~g m~ga humihikayat sa kanya'y ang kawalan n~g m~ga baril, kanyon, sandata at salapi na totoong kinakailan~gan sa paghihimagaik na gagawin n~g "Katipunan," na kung mapipilan ay siyang lalong kasawian n~g bayang pilipino. Pagkatapos na marinig n~g amá n~g "Katipunan" ang gayong m~ga pan~gan~gatwiran, ay di umimik kamuntik man, kinuha ang kanyang sambalilo at sabay ang pagsasalitang "Diyan na kayó, puro kayo wikang kastila." Isang araw nama'y nagsadya si Bonifacio sa bahay n~g nasirang si Antonio Luna upang ipatalastás dito ang gagawing paghihimagsik n~g "Katipunan." Pagkatapos na mapakinggan ni Luna ang m~ga pan~gun~gusap ni Bonifacio, ay nagsabi: "¿Anó ang ating ilalaban, itong ating m~ga ...? Kung si Napoleon ay naging Napoleon, ay sapagka't bukod sa siya'y may pusong matapang, ay maytalino pa, at, bukod sa lahat n~g iya'y may salapi." Nang ipinakilala naman ni Bonifacio kay Francisco Roxas, isá rin sa m~ga ipinabaril n~g pamahalaang kastila, ang hinahan~gad n~g "Katipunan," ay sinabi ni Roxas na siya'y ayaw makinig n~g m~ga kabalbalan at kaululan.

 

37.—Si Rizal ba'y kasangayon sa paghihimagsik na ginawa n~g "Katipunan"?—Hindi. Sa kaniyang m~ga aklat, tula at sulat, ay napagkikilalang ang adhikang katubusan n~g Pilipinas, ay ibig niyang makamtan sa pamamagitan n~g karunun~gan at kadakilaang asal muna n~g kanyang m~ga kalahi, bago isipin ang ibáng paraan. Isang araw n~g buwan n~g Mayo ná 1896 ay sinugo ni Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela (itó lamang ang kasaping may título sa "Katipunan") na makipanayam kay Rizal sa pinagtapunan dito sa Dapitan, Mindanaw, upang ipatalastás sa kanyá ang nais n~g "Katipunan" na maghimagsik nang maiwasak ang kapangyarihan n~g España dito sa Pilipinas. Si Rizal ay sumalun~gat sa ganyang nais. Kinabukasa'y dalidaling lumulan sa bapor ang sugó n~g amá n~g "Katipunan," at umuwi sa Maynila, bagama't may tangkang manatili pa n~g m~ga ilang araw dóon. Nang malaman ni Bonifacio ang ikinaaayaw ni Rizal sa paghihimagsik ay sinabi ang ganito: "¿At saang aklat nabasa ni Rizal na bago maghimagsik ay kailan~gang magkaroon muna n~g sandata at salapi?"

 

38.—Ang ibig bang sabihin niya'y kalaban ni Rizal at n~g m~ga "mason" si Bonifacio at ang "Katipunan"?—Malayo. Si Rizal at halos ang marami sa m~ga "mason" ay m~ga taong may taglay na kakayahan sa isip, ay nagsisipaniwala na bago gawin ang isang napakalaking gawain, katulad n~g paghihimagsik ay kailan~gan muna ang m~ga baril, sandata at salapi upang magtagumpay, tan~gi sa iyang magbuhos n~g dugo sa ikasusugpo n~g m~ga pangaapi ay talagang nahihidwa sa m~ga aral n~g "Masonería" sa kanyang m~ga kampon. Datapwa, ang m~ga dukha, manggagawa, m~ga maralita, na m~ga hamak na taong bayan, dito sa atin at saan pa man, ay kapag niyakap ang isang gawain at napagkilalang kailan~gang gawin sa ikasusunod n~g isang dakilang layunin, ay di na nagtutumigil n~g pag-iisip at karakaraka'y ginagampanan sa pamamagitan n~g salitang "¡Bahala na!". Ang "bahala" nang ito, ay makikita natin na siyang nagligtás sa bayang pilipino n~g m~ga panahong yaón at naghatíd sa atin sa tagumpay. At iyan ding m~ga salitang iyan ang nagligtas sa ibang m~ga bayan sa kuko n~g m~ga manglulupig na hari't mahadlikáng umiinís sa m~ga anak-pawis at dukha.

 

VIII

 

ANG "KATIPUNAN" AT ANG BAYANG MARALITA

 

39.—Ano ang ginawa ni Bonifacio sa harap n~g pagsalun~gat ni Rizal at n~g iba pa sa paghihimagsik?—Sa halip na umurong, ay bagkús nagpakasiglang lalo sa pagtatag n~g m~ga balan~gay at sauggunían n~g "Katipunan." Buong taon n~g 1895 at ang m~ga unang buwan n~g taóng sumunod, 1896, ay kanyang naitatag sa buong Maynila at m~ga lalawigang karatig ang maraming san~ga o balan~gay. Kung anó ang laki n~g kaayawan sa paghihimagsik n~g m~ga pilipinong litaw at nakakakaya't mayayaman ay siya namang higpit n~g pagyakap n~g m~ga maralita sa layunin n~g "Katipunan." Ang m~ga manggagawa, ang m~ga tagabukid at ang m~ga dukha, ay paraparang nagsisiluha kung sila'y pinaliliwanagan n~g m~ga adhikain at aral n~g "Katipunan" at naguunahan sa pagsapí.

 

40.—Sa papaano napatatag ang Pamunuan n~g Katipunan?—Sa kapulun~gang idinaos n~g m~ga kinatawan n~g m~ga balan~gay noong 1 n~g Enero n~g 1896, ay na~gapahalal sa Kataastaasang Pan~guluhan n~g "Katipunan" ang m~ga sumusunod: Kataastaasang Pan~gulo, Andrés Bonifacio; Kalihim, Emilio Jacinto; Tagain~gat-yaman, Vicente Molina; Tagausig, Pio Valenzuela; m~ga kawani: Pantaleon Torres, Hermenegildo Reyes, Francisco Carreon, José Trinidad, Balbino Florentino at Aguedo del Rosario.

 

41.—At ang m~ga Balan~gay at Sanggunian?—Napatatag na sa maraming pook n~g Maynila at m~ga bayang karatig. Ang m~ga pan~galang taglay ay yaong m~ga pan~galan o bagay na maykinaalam sa ating lahi at sa kalayaang ninanasà. Naito ang ilan: "Dapitan" (bayang pinagtapunan kay Rizal); "Laong-Laan" at "Dimas-Alang (m~ga lagda ni Rizal sa kaniyang m~ga isinulat sa m~ga pahayagan); "Katagalugan", "Katotohanan", "Kabuhayan", "Silan~ganan", "Pagtibayin", "Kailan~gan", "Bagong-Silang", "Di-Magpapatantan", "Di-Tutugutan", "Pinan~gin~ginigan" at iba't iba pa.

 

42.—Anong m~ga kaparaanan ang ginamit sa pagpapalaganap n~g "Katipunan"?—Ang m~ga pakikipagpulong n~g lihim sa m~ga pook pook, suloksulok at bahay-bahay. Tan~gi sa rito, ay ang m~ga sulat at limbag na gawa ni Bonifacio, ni Emilio Jacinto at n~g iba pa, na walang lagda. Nagkaroon din ang "Katipunan" n~g sariling palimbagan at doo'y inilimbag ang dalawang bilang lamang n~g pahayagang tagalog na pinamagatang "Kalayaan," na inilathala n~g ika 1 n~g Enero n~g 1896. Isang 1000 ang sipi n~g unang bilang at 2000 ang ikalawá.

 

43.—Saan kinuha ang salaping ibinili sa Palimbagan?—Isang araw ang kapatid ni Bonifacio na nagn~gan~galang Troadio ay galing sa Australia na may kasamang dalawang kababayang taga-Kapis na nagn~gan~galan Francisco Castillo at Camilo Iban. Ang dalawang ito'y tumama sa "loteria" n~g ilang libong piso. Nang mabalitaan ito ni Bonifacio sa pamamagitan n~g kanyang binanggit na kapatid ay hinikayat sa "Katipunan" ang dalawang yaon, na nagkaloob naman pagkatapos n~g halagang apat na raang pisong ibinili n~g palimbagan n~g masong si Antonio Salazar na mayari n~g "Bazar del Cisne," na ipinabaril din n~g m~ga kastila, at sa kanila rin galing ang salaping ibinili n~g m~ga titik sa palimbagan ni Isabelo de los Reyes, na ipinunô sa m~ga titik n~g binanggit na palimbagan.

 

44.—San~gayon sa m~ga isinaysay, ay walang salapi ang "Katipunan" at sahol sa m~ga kagamitan sa kanyang layon, kung gayon ano't lumaganap?—Ang m~ga kalupitan at paghamak na rin sa m~ga pilipino, n~g m~ga nakasasakop sa atin noon, ang nagpasiglá sa m~ga taongbayan upang sumapi sa "Katipunan." Bukod sa rito, si Bonifacio, ay talagang may sapat na talino sa paglikha n~g m~ga paraan na sukat makahikayat sa tao. Ipinasya niyá na sa tuwing magpupulong ang m~ga "balan~gay", ay buklatin ang kasaysayang batbat n~g hirap n~g Pilipinas at sa ganito'y paalalahanan ang m~ga kapatid sa kaabaan n~g katayuan n~g lupang-sarili. Tuwing darating ang ika 28 n~g Pebrero, ay nagdaraos n~g m~ga lihim na lamayan na patungkol sa tatlong paring pilipinong sina Gomez, Burgos at Zamora na ipinabitay n~g pamahalaang kastila sa sulsol n~g m~ga "fraile." Anopa't ang m~ga bagay na ganito, ang m~ga paguusig kina Rizal at m~ga kasamahan, na paraparang labag sa matwid, ay siyang lagi nang ipinagugunita upang magalab ang loob n~g m~ga kasapi. Bakit ang totoó ay talagang inis na't tigib na tigib ang pusong matiisin n~g m~ga pilipino sa madlang kaapihang ginagawa sa kanila n~g m~ga maykapangyarihan noon.

 

45.—Ang m~ga babai ba'y tinatanggap sa "Katipunan"?—Hindi kabilang ang m~ga babai. Subali't ilan sa kanila, lalunglaluna ang m~ga asaasawa n~g m~ga nasa katipunan, ang nabigyan n~g tungkuling magagaan. Si G. Perfecta Simeon, sa halimbawa, ay ginawang taga-in~gat-yaman sa "Balan~gay Maluningning," na napatatag sa nayon n~g San Nicolas, Maynila.

 

IX

 

ANG "KATIPUNAN" AT ANG PAGUUSIG SA M~GA MASON

 

46.—Inusig ba n~g m~ga kastila't fraile ang m~ga mason dahil sa "Katipunan"?—Oo. Anoman ang mangyaring pagtutol n~g m~ga pilipino sa m~ga kahidwaang inaasal n~g m~ga nakasasakop sa atin sa m~ga panahong yaon ay sa m~ga "mason" ibinibintang at ang m~ga ito ang pinagdadadakip at pinarurusahan.

 

47.—At sa anong dahil?—Kailan~gan ang kaunting paliwanag. Sinabi na natin na ang m~ga "mason" ay di kasangayon sa paghihimagsik na nilalayon n~g m~ga Katipunan. Alam na natin na, ibá ang "Masonería" sa "Katipunan," at ang "Liga Filipina" nama'y walang kinaalam sa dalawang nauna. Bawa't isá ay may kanikaniyang uri, palatuntunan at adhikain. Subali't hindi maikakait na ang "Masonería" at ang kaniyang m~ga kampon ay siláng nagsabog sa m~ga kalahi n~g m~ga kurong dakila ukol sa ikatutubós; silá, ang m~ga masón, ang masasabing nagturo n~g pagbibigkis n~g kalooban sa m~ga pilipino, upang humarap at makipaglaban sa loob n~g kapayapaan sa m~ga makapangyarihang lumulupig sa Lahi; ang m~ga kasapi sa "Masonería," ay silang nagpakilala sa pamahalaan sa España n~g m~ga masasamang palakad na pinaiiral dito, na siyang ikinalulugmok n~g bayan sa karukhaan, kaapihan at kabusabusan. "Ibig namin—ang hiling sa España n~g m~ga masón—na ang aming baya'y maging karapatdapat, maging malaya't maginhawa, na sa kaniyang pan~ganorin ay tumanglaw ang maningning na araw n~g katarun~gan at kabihasnan. Ibig namin na dito'y maghari ang pagpapantay-pantay, ang tunay na kalayaan n~g mamamayan sa harap n~g m~ga mapagimbot, na nan~gabubuhay sa pagsugpu sa karapatan n~g bayan na dinidilig ang kanilang kaginhawahan n~g luha n~g bayang nagdaralita."

 

48.—Ang m~ga kahilin~gan bang iyan ay napagkilala n~g m~ga taong bayan?—Hindi lamang nakilala kungdi nararamdaman nila sa sarili. Ang m~ga pagsusumikap na yaon n~g m~ga mason ay siyang ikinamulat n~g bayan sa kanyang aping kalagayan. Ito'y nalalaman n~g pamahalaang kastila at lalong natataho n~g m~ga "cura" sa bayan-bayan, pagka't sa bayang pinamumugaran n~g isang "logia" o n~g m~ga "mason," ang "cura" at ang m~ga kastila ay di lubhang nakapamayani sa kanilang m~ga masasamang gawa, sapagka't nahahadlan~gan sila n~g pagkakaisa n~g m~ga taong bayan sa pagtutol laban sa m~ga masasama nilang palakad. Napapansin din n~g m~ga "fraile" na ang pasok n~g salapi sa simbahan ay umuunti, sanhi sa kagagawan n~g m~ga mason na nagtuturo sa bayang iwanan ang patay sa loob n~g simbahan at huwag magbayad n~g anoman. Itinuturo rin naman nila na huwag bilhin ang m~ga kalmen, ang m~ga kuwintas, ang m~ga kandila, ang m~ga istampá, ang m~ga bula, ang m~g novena, na kinakalakal n~g kombento.

 

49.—Kailan pa inusig ang m~ga mason?—Ang masikhay na paguusig sa kanila, ay masasabing nagsimula noong taong 1892 at sumidhi n~g mapatatag na ang "Katipunan" at si Bonifacio'y walang humpay sa pagpapalaganap n~g kanyang samahan. Paano'y alam n~g pamahalaang kastila't n~g m~ga "fraile" na si Bonifacio'y "mason," bukod sa ang layunin at m~ga ipinupunla n~g "Katipunan," ay huwad sa "Masoneria." Kaya, lahat n~g kilos nina Bonifacio at m~ga kasamahan ay sa m~ga "mason" ibinabagsak, bakit ang amá naman n~g "Katipunan," sa nasa niyang magkasamasama ang lahat, sa lilim n~g watawat n~g samahang kaniyang pinamunuan, ay di lamang hindi nagpapasinun~galing sa gayong akala kundi bagkus pang pinagtitibay. Ang m~ga "mason," n~g m~ga panahong yaon, ay sila ang lumalagay na tagataguyod n~g kalayaan n~g bayan at sila'y pinagpipitaganan n~g maraming kababayan, lalonglalo na ang m~ga "masong" siná Rizal, Del Pilar, Lopez Jaena, at iba pa, na may m~ga pagtatanggol na ginawa ukol sa kalayaan n~g Pilipinas at lagi nang ipinagsasanggalang ang kaapihang tinitiis n~g kanilang kababayan.

 

50.—Hindi ba itinigil ang paguusig na yaon sa m~ga mason?—Nang taong 1893 at n~g m~ga unang buwan n~g taong 1894, ay napatigil ang m~ga paguusig sa kanilá. Palibhasa'y naipatapon na si Rizal sa Dapitan—na sa ganang m~ga kastila't fraile'y siyang pinakapuno n~g kilusan n~g m~ga "mason"—at naparusahan na ang m~ga inaakalang kinaalam sa pagtutol na ginampanan n~g m~ga pinaguusig na gaya nina Doroteo Cortes, Jose Basa, Ambrosio Salvador, Mariano Apacible at marami pang taganas na m~ga "mason," ang m~ga kalaban n~g kalayaan n~g bayan ay napatahimik. Dahil dito'y muli na namang nagsikilos ang m~ga mason at binuhay na muli ang kanilang m~ga pagpupulong tun~go rin sa ikagagaling n~g sariling bayan.

 

51.—Nagtagal ba ang gayong katahimikan?—Hindi. Nang taong 1895 ay muli na naman silang pinagusig. Ang kilusan sa paghihimagsik n~g "Katipunan" na noo'y lumaganap na sa m~ga taong bayan, lalonglaluna sa m~ga lalawigang tagalog, ay sa m~ga mason naman ipinagbintang. Sila na naman ang hinuli, pinahirapan at ipinagbibilanggo. Ang m~ga "convento" ay nagsikilos, ang m~ga pinunong kastila ay paraparang nagsusumikap sa pagbibintang na ang m~ga "logia," ay walang linalayon kundi ang paghiwalay n~g Pilipinas sa España. Ang bun~ga n~g lahat n~g ito ay ang pagsisiyasat sa m~ga bahay bahay n~g m~ga mason, ang pagpapabilanggo, pagpapatapon sa malalayong bayan sa m~ga magiting na kampon n~g "Masonería." Dahil dito, marami rin sa m~ga mason na noong una'y di kasangayon ni Bonifacio sa paghihimagsik, ang tumulong na tuloy sa pagpapalaganap n~g "Katipunan."

 

X

 

ANG PAGHIHIMAGSIK

 

52.—Ano ang ginawa n~g "Katipunan" sa harap n~g m~ga nangyayaring yaon?—Inihanda na ang paghihimagsik. Si Bonifacio at ang ilan niyang matatalik na kawani ang madalas magsilabas sa m~ga bundok na nakalilibid sa Maynila at kanilang pinagaaralan ang tumpak na paraan sa pagsalakay dito at ang magagawang kuta n~g kawal n~g "Katipunan" sa pakikilamas.

 

53.—Kailan nahuli ang m~ga kasapi sa "Katipunan"?—Niyong ika 13 n~g Agosto n~g 1896 sa San Piro Makati. Bagá man m~ga kasapi sa "Katipunan" ang nan~gahuli, ay m~ga "mason" din, daw, alinsunod sa sulat n~g "cura" sa tinurang bayan na si Agustin Fernandez sa pinuno n~g Kastila rito sa Maynila na si Luengo. N~guni't bago pa mangyari ito, ang teniente n~g Guardia Civil na si Manuel Sityar, niyong ika 5 n~g buwan n~g Hulyo n~g taón ding yaon, 1896, ay sumulat na sa m~ga pinuno niya, sa Maynila, at ibinabalita na siya'y may natuklasang inihahandang paghihimagsik laban sa pamahalaan na ang man~ga san~ga ay nasa San Juan del Monte, San Felipe Nery, Pandakan, Marikina at Montalban. Ibinabalita rin na may m~ga ilang libo ang magsisipaghimagsik na nagsipanumpa sa pamamagitan n~g sarili nilang dugo na inilagda sa kasulatan nang sa gayo'y magtumibay sa pakikibaka hanggang sa matamó ang kasarinlan n~g Pilipinas.

 

54.—Umabot ba sa kaalaman ni Bonifacio ang ganyang m~ga ibinalita?—Oo. Simula pa nang itinatag ang "Katipunan", ay nakahikayat na nang ilang kababayang nagsisipaglingkod sa m~ga kawanihan n~g pamahalaang kastila at gayon din ang ilan sa nagsisipaglingkod sa bahay n~g m~ga pinuno at sa m~ga "convento." Nang m~ga araw na yaon, ay nakapaglagay na ang "Katipunan" n~g kaniyang m~ga tiktik sa loob n~g pamahalaan na naghahatid kay Bonifacio n~g m~ga balitang kailan~gan nitó. Kaya, n~g malaman niyang natuklasan na ang "Katipunan" n~g may kapangyarihan, ay pinulong ang lahat n~g m~ga pan~gulo sa m~ga balan~gay at m~ga kasapi sa pook n~g Kankong, Kalookan, niyong ika 17 n~g Agosto n~g 1896. Ang pulong ay sinimulan n~g ika 8 n~g umaga at natapos n~g magtatakipsilim na. Mainit at mahigpit ang kanilang pagtatalo. May m~ga ayaw munang gawin ang paghihimagsik sa kawalan n~g m~ga sandata't baril na ilalaban, n~guni't marami ang may ibig at ayaw nang magsiuwi sa kanikanilang bahay. Sa wakás ay pinagtibay din at bilang saksi n~g pinagkasunduan, lahat ay nagsidukot at kinuha ang kanikanilang m~ga "cedula personal" at pinagpupunit, tandang hindi na sila babalik sa kanikanilang bahay. Pagkatapos ay nagpangkatpangkat na.

 

55.—Ano pa ang kanilang pinagtibay?—Na salakayin ang Maynila n~g ika 30 n~g buwang binanggit. Datapwa, n~g matuklasan ni P. Mariano Gil, "cura" sa simbahan n~g Tundo, ang m~ga kasulatan n~g "Katipunan" at pati n~g batong pinaglilimbagan n~g "recibo" nito, dahil sa sumbong n~g isang nan~gan~galang Teodoro Patiño, na nakuha sa pagawaan n~g pahayagang "Diario de Manila," n~g ika 19 n~g buwang ding yaon, ang m~ga sundalo't "guardia civil" ay nagsisipagsiyasat sa m~ga palipaligid n~g labas n~g Maynila, kaya't n~g ika 23 n~g buwang ito ay nangyari ang unang labanan n~g m~ga iyon sa kawal n~g "Katipunan" sa Balintawak. Sinimulan na ang panghuhuli at pagpapahirap sa m~ga napagbintan~gan.

 

56.—Ano ang inilalaban n~g m~ga kasapi sa "Katipunan"?—Ilang itak, bukaweng tinulisan, palasan, m~ga "revolver" na kinuha n~g m~ga Katipunan sa Maestranza, dalawa o tatlong baril na naagaw sa m~ga sundalo n~g pamahalaang kastila.

 

57.—Nagpatuloy ba sa ganito?—Oo. N~guni't itinatag na ni Bonifacio ang kanyang pamahalaan sa "Pasong Tamo", Kalookan, at pagkatapos sa bundok n~g "Balara", Marikina. Mula doon ay siya'y naguutos sa tulong n~g kanyang m~ga kagawad. Ang pamahalaan n~g "Katipunan," ay di na sa samahang ito lamang kundi binigyan na n~g uring pangbansa. Ganitó: Presidente, Andrés Bonifacio; Ministro de Estado, Emilio Jacinto; Ministro de Guerra, Teodoro Plata; Ministro de Gobernacion, Aguedo del Rosario; Ministro de Gracia y Justicia Briccio Pantas; Ministro de Hacienda, Enrique Pacheco; Secretario General, Daniel Tria Tirona at Tesorero General, Silverio Baltazar (Kapitan sa bayan n~g Kalookan).

 

58.—Ang pamahalaan bang iyan ang namatnugot n~g paghihimagsik?—Oo. Datapwa, ang nais ni Bonifacio, bagaman si Rizal ay di nila kaayon, ay siya'y gawing pan~gulong pangdan~gal at siya'y magawang sanggunian, bagay itong di nangyari. Nang si Rizal ay dumating sa Maynila noong ika 5 n~g Agosto n~g 1896 na galing sa Dapitan na pinagtapunan sa kanya, ay tinangka nina Bonifacio, Emilio Jacinto at ibang kasamahan na siya'y itanan. Si Emilio Jacinto ay nagsuot marinero at nagsadya sa lancha "Caridad" na kinalululanan ni Rizal sa paglunsad sa bapor "España." Kunwa'y naglilinis, at sa isang pagkakataon ay ibinulong sa ating bayani: "Kung kayo po'y ibibilanggo, ay ililigtás namin kayo. Kami'y nahahanda." Palibhasa'y umaasa si Rizal sa kalinisan n~g kanyang budhi sa matapat na pakikisama niya sa pamahalaan noon, sumagot n~g gayari: "Salamat. Huwag ninyong gawin iya sa akin. Bayaan ninyo't nalalaman ko ang aking gagawin." Dahil dito, ang nais na yaon nina Bonifacio ay di n~ga nangyari at sa gayo'y napilitang magkasya na sa sarisarili nilang pamamatnugot n~g "Katipunan."

 

59.—May m~ga palatuntunan ba ang paghihimagsik?—Iilan lamang, yaong lubhang kinakailan~gan sa m~ga unang pagkilos. Pinasiyahan nila na ang magbabalita n~g pagsalakay sa Maynila, ay hihip n~g m~ga "tambuli" mula sa m~ga bundok na kinaroroonan n~g m~ga kawal. Ang hudyatan upang magkakilanlan ang magkakapatid ay ang salitang "Balan~gay" na dapat sagutin n~g "Marikit." Nang ika 27 n~g Agosto, 1896 ay lumipat si Bonifacio at ang kanyang m~ga kasamahan sa pook n~g "Balakbak," nayon n~g "Hagdangbató," at sa isang kamalig, ay kaniyang isinulat at ipinadala sa m~ga kinauukulan ang sumusunod na pahayag:

 

"m~ga maginoong namiminuno, kasapi at m~ga kapatid:

 

"Sa inyong lahat ipinatutungkol ang pahayag na ito. Totoong kinakailan~gan na sa lalong madaling panahon ay putlin natin ang walang pan~galang panglulupig na ginagawa sa m~ga anak n~g bayan, na n~gayo'y nagtitiis n~g mabibigat na parusa at paghihirap sa m~ga bilangguan, na, sa dahilang ito'y mangyaring ipatanto ninyó sa lahát n~g m~ga kapatid na sa araw n~g Sabado, ika 29 n~g kasalukuyan, ay puputok ang paghihimagsik na pinagkasunduan natin, kaya't kinakailan~gang sabaysabay na kumilos ang m~ga bayan-bayan at sabaysabay na salakayin ang Maynila. Ang sino pamang humadlang sa banal na adhikaing itó n&

Cazadores

Posted by Pamantasan ng Katipunan on June 21, 2013 at 11:30 AM Comments comments (0)

The Cazadores*

 

The cazadores were sent here

allegedly to eradicate lawlessness,

but it is not fight they seek,

but chickens and cattle to steal.

 

The people who are living in peace,

to the Spaniards they are sent,

anything they see that can be eaten,

they grab like hungry ones.

 

 

They comb the whole house

for money which they pocket,

so also are the jewels and chosen clothes,

as unto the chick snatched by the hawk.

 

To the women they find,

their first greetings are shameful,

they do not respect even so little

the spotless honor the women possess.

 

And the tomatoes, watermelons,

melons and other things for sale,

nothing remains because of the grabbing

of the Spaniards.

 

*Cazadores, literally, hunters. In the Philippine setting, the cazadores were Spaniards charged with the duty of maintaining peace and order. As such they aided the guardias civiles (civil guards) and tne municipal police force in the enforcement of laws.

 

[12]

 

All the milk vendors they see

promptly are scolded,

and the hare-brained [Spaniards] gulp [the milk],

and so nothing is spared [by the Spaniards].

 

The name "cazadores" is a misnomer,

it should be "sacadores" instead,*

for the promontory is far and distant,

indeed they are known to be greedy and cowardly.**

 

*Bonifacio made a good play of words in the use of "cazadores" and "sacadores", utilizing metathesis to drive home his point. Sacadores means extortionists, from the wordbase sacar, to sack, to extort.

 

**The last line of the original reads: "mandi halatan malakaw at duwag". The line, at first glance, seems meaningless, owing to the use of the words "mandi" and "halalan", which do not exist in the Tagalog lexicon. But "mandi" must have been a typographical error, and should read "mandin", while "halatan" should read "halatang", from "halala", known or that which is seen through.

 

LINK

<< Home

 

 

 

 


Rss_feed